Mistulang rush hour kung makipagsiksikan ang mga pasahero sa ilang MRT station, isang araw matapos ang pagsabog sa isang bus sa EDSA. Karamihan sa kanila, takot nang sumakay sa mga bus.
Ayon sa pamunuan ng MRT, biglaan ang pagtaas ng kanilang mga pasahero simula noong Martes. Mula sa higit 474,000 noong January 24, umabot sa 512,000 kahapon.
Todo na ang kanilang pagbabantay at mas mabusisi ang inspeksyon.
"We consider it a threat to all modes of transportation. That is why we have to undertake necessary precautions," ani Bernardo Alejandro III, tauhan ng MRT Safety and Security Unit.
Pinatindi rin ang seguridad sa mga bus terminal.
Sa Victory Cubao, hindi lang isa, kundi dalawang beses iniinspeksyon ang mga isinasakay na bagahe.
Kahit matagalan, walang angal ang mga pasahero.
"Hangga't magagawan namin ng paraan, talagang pinipilit naming mag-inspeksyon sa mga pasahero," ani Danilo Bernardo, station master ng bus line.
Aminado naman ang mga konduktor ng mga metro bus na dahil sa dami, hindi nila maiisa-isang inspeksyunin ang mga bagahe ng mga sumasakay sa kanila. Dadaanin na lang daw nila sa pakiramdaman ang sitwasyon. Alerto rin daw sila sa mga kahina-hinalang pasahero.
Pinaigting din ang police visibility sa nga terminal ng bus.
Habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente ng pagsabog, naka-full alert status na ang PNP simula kahapon.
Mas mahigpit din ang pagbabantay sa mga checkpoint lalo na sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
source: abs-cbnnews.com
No comments:
Post a Comment