Masusing pinag-aaralan ng pulisya ang anggulong suicide sa insidente ng pamamaril na naganap sa loob ng SM mall sa Mexico, Pampanga, na kinasasangkutan ng dalawang lalaki na kapwa minor-de-edad na hinihinalang magkarelasyon nitong Martes ng umaga.
Hindi pinangalanan ng GMA News Online ang mga biktima dahil sa kanilang pagiging minor-de-edad. Ang isang lalaki na pinapaniwalaang nagpaputok ng baril ay 13-anyos, habang ang kasama nito ay tinatayang 16-na taong gulang.
Kapwa kritikal ang kalagayan ng dalawang lalaki na parehong nagtamo ng tig-isang tama ng bala mula sa cal-22 na baril, ayon kay Senior Superintendent Edgardo Tinio, director ng Pampanga Provincial Police, nang makapanayam ng dzBB radio.
Nag-ugat ang hinala na may relasyon ang dalawa dahil sa pinapaniwalaang suicide note at ang nakitang nakasulat sa damit na patungkol sa isa pang lalaki na may tema ng hinanakit.
Pansamantalang isinara ng mall management ang nasabing shopping center at muli lamang binuksan nang matapos na ang isinagawang imbestigasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, naganap ang nasabing pamamaril dakong 11:45 am, malapit sa isang restaurant sa loob ng mall.
Hinihinalang binaril muna ng isa sa mga biktima ang kasama, bago naman ito nagbaril sa sarili.
Ang baril ay sinasabing nakuha sa katawan ng 13-anyos na lalaki, ayon sa pulisya.
Ayon kay Superintendent Wilson Santos, chief ng pulisya sa bayan ng Mexico, nakasaad sa suicide note na handa ang shooter na mamatay kasama ang biktima.
Sa hiwalay na pahayag ni Santos sa panayam ng GMA News TV Live, sinabi ng opisyal na kinakailangang isasailalim sa paraffin test ang dalawa upang matukoy kung sino sa dalawa ang nagpapaputok ng baril.
Pahayag ng SM mall
Sa isang programa ng GMA News TV Live nitong Martes, binasa ang pahayag ni Millie Dizon, vice president for marketing ng SM Supermalls, tungkol sa nangyaring insidente sa loob ng kanilang establisimyento.
Sinabi ni Dizon na nagsagawa sila ng sariling imbestigasyon na hiwalay sa pulisya. Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na “crime of passion between two men," ang nangyaring insidente.
Aminado naman si Dizon na hindi na-detect ng security guard ang baril na nagamit dahil sa liit ng sukat nito na, “mas maliit pa umano sa palad."
"Security has been heightened. We are very vigilant when it comes to security. We are conducting our own investigation," pahayag ni Dizon.
Kasabay nito, sinabi ni Santos, na nagpatawag na ang mga lokal na opisyal ng emergency conference para sa mga SM security personnel.
"Ang incidents like this na ganito may hand-held metal detector eh sa entrance. Kaya kailangan natin malaman kung may liability sila, yung security agency na nagbabantay at that time," aniya.
Pamamaril sa loob ng mall
Bago ang shooting incident sa Pampanga, nagkaroon din ng pamamaril sa isa pang mall ng SM sa Quezon City kamakailan.
Sa insidente ng pamamaril sa SM North Edsa, sinasabing binaril ni Sheila Macapugay, binaril ang kanyang asawa, at pagkatapos plano rin umanong barilin ang sarili.
Ngunit naawat ito ng isang mall security guard pero “aksidente" siyang nabaril ng suspek sa katawan.
Kapwa pumanaw sa ospital ang mister at security guard habang nadakip naman ang babae.
Lumitaw sa imbestigasyon, na mayroong ibang babae ang asawa ni Macapugay na dahilan kaya nito binaril ang mister.
source: gmanews.tv
Wednesday, September 21, 2011
Love triangle, nakikitang motibo sa insidente ng pamamaril sa loob ng SM mall sa Pampanga
source: gmanews.tv
No comments:
Post a Comment