Tutol si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa pagdaraos ng konsiyerto sa bansa ng kontrobersiyal na International artist na si Lady Gaga.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action (NASSA) ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), hindi makatutulong ang pagtatanghal ni Lady Gaga para maitaas ang moralidad ng mga kabataan.
“Talaga namang si Lady Gaga ay hindi magandang impluwensiya sa atin. Yung mga values niya ay hindi ‘yan ang values ng mga kabataan natin. At kung hahayaan natin at hindi ikokontrol ‘yan ng ating pamahalaan ay talagang masisisra ang values natin," paliwanag ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas nitong Biyernes.
Iginiit din ng Obispo na hindi maituturing freedom of expression ang ginagawa ni Gaga dahil hindi umano maganda ang mga ipinakikita nito.
“Dapat magprotesta tayo diyan. Ang pamahalaan sana natin ay mas maging malakas sa Indonesia at South Korea ay hindi siya pinayagan (mag-concert) dahil nakita ng pamahalaan nila na hindi magandang impluwensiya (si Lady Gaga)," dagdag niya.
Nakatakdang ganapin ang pagtatanghal ni Lady Gaga sa darating na Mayo 21-22 sa Mall of Asia sa Pasay City.
Maging si dating Philippine Ambassador to the Vatican Henrietta de Villa ay nakikiisa sa panawagan ng iba’t-ibang sektor na i-boykot ang konsiyerto ni Lady Gaga.
Itinuturing ni de Villa na pambabastos sa pananampalataya ng mga Katoliko sa ilang gawa ng international singer.
“Ako’y pipirma bilang personal conviction ko ‘yan doon sa campaign to ban her from coming here in country for a concert. Terrible naman, tayo po ay Catholic country pero tingnan mo naman ang pag-insulto sa ating pananampalataya at talagang tinatapakan niya ang atin Panginoon," paliwanag ni De Villa.
Umaasa siya na tutularan ng mga Pinoy ang mga mamamayan ng Indonesia, na magkaroon ng national conviction para huwag payagang mag-concert si Lady Gaga sa kanilang bansa.
Una rito, pinuna ng ilang religious group ang ilang MTV ni Lady Gaga na nagpapakita umano ng pagkopya kay Kristo, imahe ng mga alagad ng kadiliman, at malalaswang gawain.
Una rito, inihayag ni Pasay City Mayor Antonio Calixto na hindi niya papayagan na magkaroon ng obscenities o nudity sa concert ni Lady Gaga.
Ito umano ang mahigpit na bilin ng alkalde sa ibinigay na permit upang payagang makapagtahal si Lady Gaga sa MOA sa Pasay.
source: gmanetwork.com
Friday, May 18, 2012
Obispo sa Maynila, tutol sa concert ni Lady Gaga sa Pinas
source: gmanetwork.com
No comments:
Post a Comment