Special guest sa weekly youth-oriented series na Together Forever ang Kapuso hunk na si Aljur Abrenica.
Magkakaroon siya ng kaugnayan sa role na ginagampanan ni Julie Anne San Jose, na ikaseselos naman ng karakter ni Elmo Magalona.
Sabi ni Aljur, “Hindi ko pa alam kung hanggang kailan yung guesting ko, pero at least, bago naman ito para sa akin. Sana magtagal.”
Pero mukhang hindi magtatagal si Aljur sa show dahil malapit nang simulan ang teleseryeng pagbibidahan nila ni Kris Bernal.
Ito ang Pinoy adaptation ng hit Koreanovela na Coffee Prince, na pinagbidahan ng Korean stars na sina Gong Yoo at Yoon Eun-hye.
Ito rin ang magiging balik-tambalan nina Aljur at Kris.
COFFEE PRINCE. Dapat sana ay ang Sana Dalawa Ang Puso Ko ang gagawing teleserye ni Aljur, kasama sina Kris at Rhian Ramos.
Pero na-shelve muna ito at ipinalit nga ang romantic-comedy na Coffee Prince.
Ano ang naging reaksiyon niya nang malamang hindi na Sana Dalawa Ang Puso Ko ang gagawin niya kundi Coffee Prince?
Ayon kay Aljur, “Yung totoo, naano na ako sa Sana Dalawa Ang Puso Ko. Kumbaga, naka-mindset na ako do’n.
“Natutuwa ako na yung director namin doon, isa talaga sa mga gusto kong direktor—si Direk Maryo J. de los Reyes.
“Kumbaga, yung director na gumawa ng turning point sa career ko bilang isang leading man. Siya naman talaga, e.
“So, noong nabago, nagulat ako.”
Si Maryo ang naging direktor ni Aljur sa afternoon soap na Dapat Ka Bang Mahalin?, na nagluklok kay Aljur bilang isang leading man.
Patuloy ng young actor, “Pangalawa, yung proyektong ibinibigay sa akin, hindi ko pa nasubaybayan.
“Pangatlo, masaya ako. Masaya ako sa mga naririnig ko sa mga tao sa paligid… tungkol sa kuwento.
“Nae-excite sila na sinasabi nila, na natutuwa po ako na sinasabi nilang bagay raw sa akin ang karakter.”
Sa Coffee Prince ay gagampanan ni Aljur ang isang may-ari ng coffee shop na mai-in love sa isa niyang empleyado na mapagkakamalan niyang lalaki.
Si Kris Bernal ang gaganap sa role ng empleyadong nagpapanggap na lalaki.
Sabi pa ni Aljur, “Pang-apat, God’s will 'yan. Tinitingnan ko 'yan as God’s will.
“Ako, ginawa ko na ang best ko sa Sana Dalawa Ang Puso Ko, pinaghahandaan ko—pero naging Coffee Prince.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Aljur sa taping ng Together Forever, noong Huwebes, August 2, sa Antipolo.
Nagulat naman si Aljur nang malamang maraming Kapuso stars ang umaasang magawa ang adaptation ng Coffee Prince.
Kaya sabi niya, “Talaga? Wow, napakasuwerte ko talaga! Masuwerte po talaga ako.”
Dahil dito ay mas na-challenge daw ang 22-year-old actor.
“Actually, kinakabahan ako. Ang daming fan base nito.
“Pangalawa, yung character ko dito, noong malaman ko ang synopsis sa mga tao, very challenging ang character ko.
“Hindi lang para kay Kris, kung hindi para sa akin, dahil mai-in love ako sa lalaki.
“So, excited akong gawin.”
MOVIE WITH ROBIN & KYLIE. Bukod sa upcoming primetime series niya, may gagawin ding pelikula si Aljur na pagsasamahan nila ng action star na si Robin Padilla.
Makakatambal niya rito ang napabalitang naging girlfriend niya na si Kylie Padilla, anak ni Robin.
Paano nangyari na nakasama siya sa pelikulang ito?
Ayon kay Aljur, “Para kasing dati pa niya [Robin] akong inimbitahan sa pelikula.
“Yung una, hindi lang natuloy. Yung Mr. Wong.
“Yung pangalawa, noong imbitahan niya ako ulit, ginawa ko ang lahat para makapasok sa pelikula.
“Nahihiya na rin ako.
“Nakakahiya naman, pangalawang beses na niya akong inimbitahan.”
Hindi pa lang daw alam ni Aljur kung ano ang titulo ng pelikulang pagsasamahan nila ngayon ng mag-amang Robin at Kylie.
Nakapag-shooting na si Aljur, pero hindi pa raw niya nakakasama sa eksena si Robin.
“Sayang nga, e. Sa sobrang hirap ng schedules, yung mga eksena naming dalawa, parang pinaghiwalay na. Kailangan nang matapos.
“So, kinuhanan na siya agad, then ako. Nagkasama lang kami sa rehearsal.”
Kumusta naman ang pakikipagtrabaho niya kay Robin?
“Sobra pong maasikaso, mabait sa set, production po niya yun. Hindi talaga ako pinabayaan.”
Natuwa naman siyang malaman na may tiwala sa kanya si Binoe?
“Kahit paano, nakaramdam naman po ako sa kanya ng tiwala,” sagot ni Aljur.
source: gmanetwork.com
Tuesday, August 07, 2012
Aljur Abrenica, Kris Bernal reunite for Pinoy version of Koreanovela 'Coffee Prince'
source: gmanetwork.com
No comments:
Post a Comment