Wednesday, December 29, 2010

3 patay sa ambulansiyang umararo sa Skyway toll booth

Wasak na wasak ang ambulansya ng PKI Employees Welfare's Union matapos salpukin ang isang toll booth sa Skyway sa Taguig, bandang 6 a.m. kanina. Halos mayupi rin ang toll booth na binangga ng ambulansya.
Base sa imbestigasyon, galing sa Batangas ang ambulanysa na maghahatid sana ng pasyente sa isang ospital sa Maynila. Mabilis ang takbo nito bago bumangga sa concrete barrier ng toll booth. Sa lakas ng impact tumagilid ang ambulansya, umikot ng isang beses bago tumama sa toll booth.
“Para kasing nawalan ng preno yung ambulansiya. Lima yata sila, siya lang lumiko dito sa east,” ani Dexter Escueta, Sky Lane 7 teller.
Ayon sa nakakitang traffic enforcer ng Skyway, nag-alangan ang ambulansya nang papalapit na ito sa toll booth. Bigla raw itong kumaliwa para lumipat ng lane pero hindi na na-control ang pagmamaneho at bumangga sa toll booth number 6.
Ang tatlo sakay ng ambulansya, namatay, kabilang na ang pasyenteng si Felix Soler, ang kasama niyang sina Rio Panganiban at Rosalina Asis.
Sugatan naman ang driver ng ambulansya na kinilalang si Noel Mercado at ang dalawa pang sakay na sina Marie Grace Soler at Melba Asis.
Sugatan din ang teller ng binanggang booth na si Marlyn Ruta. Dinala sila sa ParaƱaque Doctors Hospital. Ayon sa special operations ng Skyway, kasali pa rin ang mga ambulansya sa may 100 kilometers per hour na speed limit sa highway.
“Hindi naman dinesign ang highway natin para sa mas mataas pang speed,” ani Ed Nepomoceno, Head, Special Operations ng Skyway.
   
Iniimbestigahan pa rin kung dapat bang kasuhan ang driver na si Mercado. Jasmin Romero, Patrol ng Pilipino

No comments:

Post a Comment