Monday, January 31, 2011

Bus tumaob sa Quezon zigzag, 39 sugatan


Sa kurbada na tinatawag na "Bitukang Manok" sa Pagbilao, Quezon tumaob ang bus ng Eagle Star.

Sa report ng pulisya, napag-alamang galing Ormoc ang bus at paluwas sa Maynila nang maaksidente bandang alas-7:30 Lunes nang umaga.

Ayon sa pulis, hindi dapat nangyari ang aksidente kung hindi dumaan ang driver sa Bitukang Manok. Ito’y dahil bawal nga ang bus at trak na dumaan dito.



Sa Jane County Hospital ng Pagbilao isinugod ang mga sugatan.

Sa 39 na nadala sa ospital, 20 ang naka-confine ngayon. Kabilang dito ang mag-inang Flordeliza Mesa at ang isang taong gulang na anak niyang si Rodge.



Gising si Flordeliza bago nangyari ang aksidente kaya nabalot pa niya ng unan ang anak na ni isang galos ay wala.

"Niyakap ko siya. Siya sana iyong tatama sa may bubog ng salamin. Ako na lang nagpatama," anang ina.

Sa record ng Philippine National Police, 61 ang sakay ng bus nang mangyari ang aksidente kasama na ang dalawang driver at isang konduktor.



Reklamo ng ilang pasahero, bago pa umalis ng Ormoc, overloaded na ang bus pero ayaw umanong i-refund ang ticket nila.

Hindi raw sana sila nadisgrasya kung pinayagan silang bumaba sa bus.

Kanina bago mag-alas-4 ng hapon, may dumating na bus pero sumundo lang sa mga pasaherong hindi nasugatan.

Sa kasalukuyan, mayroon pang 18 in-patient na mga biktima mula sa aksidente.

source: abs-cbnnews.com

No comments:

Post a Comment