Saturday, December 10, 2011

Mga anak ng OFWs na kumuha ng scholarship exam ng OWWA, dumami


source: gmanetwork.com


Mas marami ngayon ang bilang ng mga anak ng overseas Filipino worker (OFW) na kumuha ang scholarship examination sa Saudi Arabia para sa Education for Development Scholarship Program (EDSP).

Umabot sa 72 estudyante na mga anak ng mga OFW na nag-aaral sa iba’t ibang International School na gumagamit ng Philippine Curriculum ang kumuha ang scholarship examination sa EDSP.

Ang taunang pagsusulit sa EDSP ay isa sa mga programa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inilaan sa mga anak ng mga OFW na aktibong miyembro ng OWWA.

Layunin ng programa na matulungan ng OWWA ang kanilang mga miyembro sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng matrikula sa mga papalaring mag-aaral na tutungtong sa kolehiyo sa susunod na taon.

Ginawa ang eksaminasyon sa loob ng Philippine Consulate General nito lamang nakalipas na Linggo. Kabilang sa mga kumuha ng pagsusulit ay mga mag-aaral sa International Philippine School sa Jeddah.

Sa panayam kay OWWA Welfare Officer Abdulwahab M. Jaafar, sinabi nito na mas malaki ang bilang ng mga estudyante na kumuha ng eksaminasyon ngayong 2011 kumpara sa nakalipas na taon.

Dahil dito ay bahagyang nagkaproblema sa venue bunga na rin ng kakulangan ng espasyo sa pinagdausan ng eksaminasyon. Kinulang din ang mga ginamit ng mga estudyante tulad ng lamesa at mga upuan na kaagad ding nasolusyunan.

Bunga ng pagdami ng kumukuha ng pagsusulit, posibleng sa susunod na taon ay ilipat na ang venue para matugunan ang lumalaking bilang ng mga estudyanteng kumukuha ng scholarship exam.

“Balak namin ay sa school na ito gawin dahil sa kumpleto ang kanilang mga pasilidad at malaki ang lugar na tamang tama sa mga mag-aaral natin na kukuha ng pagsusulit," pahayag ni Jaafar.

Sinabi naman ni Everos Evengelista, administrative staff ng OWWA, at coordinator ng nakalipas na pagsusulit, na ang Gems International School ang may pinakamalaking bilang ng mga estudyante na kumuha ng eksaminasyon.

Pinasalamatan naman ng OWWA ang Department of Science and Technology sa pagpapadala kina Alicia Asuncion at Maria Daisy Demoni na nangasiwa ng scholarship exam.

source: gmanetwork.com

No comments:

Post a Comment