Wednesday, June 20, 2012

Mike Tan breaks silence on issue with a director


source: gmanetwork.com


Sigurado na ang pagiging important lead actor ni Mike Tan sa GMA-7, lalo’t sunud-sunod ang TV projects niya ngayon sa network.

Hindi na napahinga si Mike mula nang gawin siyang bida sa serye nina Carla Abellana at Michelle Madrigal na Kung Aagawin Mo Ang Langit.

Pagkatapos kasi nito ay isinama siya sa powerhouse cast ng primetime series na Legacy.

Ang latest na proyekto niya ay ang bagong afternoon soap na Faithfully; kasama niya rito sina Maxene Magalona, Isabel Oli, Michelle Madrigal, Vaness del Moral, Isabelle Daza, at Marc Abaya.

HAPLOS NG PAGMAMAHAL. Pagkatapos ng mahabang panahong paghihintay, ngayon ay unti-unting nararamdaman ni Mike ang haplos ng pagmamahal ng Kapuso network sa kanyang kakayahan bilang leading man.

Sabi ng StarStruck 2 Ultimate Male Survivor, “Nagpapasalamat ako sa GMA, binigyan nila ako ng break… at hindi lang break, sunud-sunod na break.

“Ang ipinagpapasalamat ko dito, everytime na binibigyan nila ako ng karakter na iba-iba, hindi lang basta mabait, hindi lang basta guwapo, hindi lang magandang tingnan.

“Hindi lang gano’n. Gusto nila laging may twist sa character.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mike sa press launch ng Faithfully last week.

Kung mabait ang ibinigay na karakter kay Mike sa mga nakaraan niyang serye, dito sa Faithfully ay strong naman ang character niya; bagay na ikinatutuwa niya dahil nailalabas daw niya ang versatility bilang isang aktor.

Paglalarawan niya sa kanyang role: “Strong ang character ko dito at masasabi kong protective siya at ayaw niya nang naaabuso si Stella [Maxene].

“Magkakaroon kami ng affair ni Stella, after na nila ni Marc Abaya.

“Kasi pinalaki ako, as Perry, ng isang sindikato. So, hindi pa natin alam kung ano ang magiging takbo ng karakter ko.

“Basta ang masasabi ko, protective itong taong ito. Huwag mong gagawan ng masama yung mahal niya sa buhay dahil hindi ka niya sasantuhin. Ganun si Perry.”

ISSUE WITH A DIRECTOR. Hindi lang sa pagbibigay ng magagandang projects mukhang napatunayan ni Mike ang malasakit sa kanya ng Kapuso network, kundi pati sa isang maselang isyung pinagdaanan niya sa isang direktor na nakasama niya noon sa isang serye.

Ano ang naramdaman niya nang ipinagtanggol at prinotektahan siya ng kanyang home network sa isyung iyon?

“Basta ako, masaya ako na naging maayos na lahat. Masaya na ako sa naging desisyon ng GMA at wala na akong hihingiing iba,” maingat na sabi ni Mike.

Paanong naayos na gayong may isang taong isinakripisyo, may nawalan ng trabaho, at siya ay patuloy na namamayagpag ang career sa GMA-7?

Natawa si Mike sa tanong at sandaling hindi nakapagsalita.

Hindi rin halos makapaniwala si Mike na nagawa niyang magsalita at kumpirmahing may nangyaring isyu sa kanya at sa isang director, sa kabila ng hindi ito masyadong napag-usapan noon.

“Ang galing ng tanong mo!” bulalas niya sa amin.

Pagkalipas ng ilang segundo ay dinugtungan niya ang kanyang sinabi: “Basta, ako, naging masaya ako at hindi ako pinabayaan ng GMA.”

Pinuna namin si Mike na inulit lang niya ang naunang sinabi.

Sinabi namin sa kanya na mas gusto naming marinig kung ano talaga ang laman ng kanyang puso at isip sa pangyayaring iyon.

Paano ito naayos na amicable sa lahat?

“Sila ang gumawa ng paraan at hindi ako. Sila ang umayos ng problema ko, gano’n,” tugon niya.

Umiling si Mike sa tanong namin kung nagkausap pa ba sila ng direktor matapos ang insidente at pag-aayos sa kanila ng GMA 7.

NO GUILTY FEELING. Wala bang guilt kay Mike dahil hindi na visible sa TV ang direktor at nawalan ito ng career sa Kapuso network.

Sagot ng young actor, “I don’t think na magkakaroon ako ng guilt or whatsoever.

“First of all, hindi naman ako ang gumawa ng hakbang, e.

"Kung ano ang ginawang hakbang ng GMA, sila yun at hindi ako yun—hindi si Mike Tan.”

Na-trauma ba siya sa nangyari?

“Ang hirap mong sagutin!” nangingiti at napapailing na sabi ni Mike.

Dugtong niya, “Hindi ko na-deny sa iyo, ha? Dahil sa tanong mo, ha? Hindi ko alam kung paano ko siya ide-deny.”

Ulit naming tanong: na-trauma ba siya sa pangyayari?

“Uhmmm… siguro ‘pag madalas mong naiisip… basta…” pigil niya sa susunod na sasabihin.

Bumabalik ba sa alaaala niya yung nangyari?

“Hindi. Hindi na siguro,” sagot ni Mike.

Gaano katagal bago niya nakalimutan yung mga nangyari?

Napangiti uli si Mike at nag-alinlangan uli sa sasabihin.

Nag-focus ba siya sa trabaho? Ginawa niya bang abala ang sarili at utak para hindi niya na maalala?

“A, yeah! Basta ako, nag-focus na lang ako sa trabaho ko… pahihirapan ko lang ang sarili ko ‘pag inisip ko siya nang husto, di ba?

“But that was a very traumatic experience,” pagkumpirma niya.

Nakatulong ba ito sa pagkatao o pananaw niya sa buhay o sa mga tao?

“Napatunayan ko na hindi pabor ang GMA sa mga nangyayaring masama sa artista nila,” seryoso niyang sagot.

Ibig sabihin dito ay napatunayan nang husto ang concern sa kanya ng GMA-7?

Ngumiti at tumango si Mike.

Muling nangiti si Mike at nagsalita tungkol sa kanyang mga rebelasyon sa amin.

“Nakakatuwa lang kasi hindi ko talaga naiwasan ang mga tanong mo.

“Gusto ko siyang i-deny… pero wala, nahuli mo, e,” sabi niya.

“Okey naman ako, walang problema.

“Yun nga, masaya na ako dahil naayos nang lahat, naisaayos na ang lahat, at masaya ako sa takbo ng career ko.”

LONG STAY IN GMA-7. Matagal-tagal pa raw ang tatakbuhin ng karera ni Mike sa GMA-7, lalo’t mahaba ang kontratang pinirmahan niya sa istasyon.

“Matagal pa, this is only my second year.

"May third year pa ako and then, yung last three years, automatic renewal yun at pag-uusapan pa.

“So, six years,” sabi niya.

Naalala ni Mike na pinag-isipan din niyang lisanin ang GMA-7 noon, pero mas nanaig daw yung pag-asa niyang baka mapansin siya at bigyan ng pagkakataon.

“Siguro nga naisip ko yun noon, pero sa ngayon, sa mga ibinibigay nila sa akin, wala akong karapatan.

“At saka siguro, nag-paid off na nga yung pagiging loyal ko sa GMA… seven years.”

Tinanong niya ba ang management kung ano ang nakita nila uli sa kanya para bigyan siya ng pansin?

“Uhm… ang sinabi nila sa akin… kasi bago pa magsimula yung Kung Aagawin Mo Ang Langit, kinausap na nila ako—nina Ms. Lilybeth [Rasonable], nina Ms. Helen Sese.

“’Eto na, eto na yung inaantay mo…’ Ako naman, thankful ako.

“Wala akong nararamdam sa simula. Pero yung sunud-sunod na yung.., mineeting na nila ako, inaayos na nila yung…

“Alam mo yung lagi nila akong tinatawag, kinakausap… ‘Eto na ba yun?’

“Kasi noong… unang sinabi nila sa akin, wala. Drive lang ako ng kotse, parang wala lang. ‘Narinig ko na ‘yan,’ parang gano’n.

“’Tapos no’ng kinabukasan, alam mo yung parang dahan-dahan sa akin na… parang umiyak ako.

“Kasi nagdasal ako, e. Nagpasalamat ako sa Diyos na parang, wow, ang tagal kong naghintay at never kong binitawan yung faith ko sa GMA at kay Lord.

“Ibinigay na rin sa akin, finally… finally.

“Ang sinasabi ko pa lang noon, ‘Bigyan n’yo lang ako ng pagkakataon na i-prove yung sarili ko. Hinding-hindi ko ito pakakawalan.’

“Yun ang sinasabi ko sarili ko at ipinapangako ko yun sa kanila.” — Rey Pumaloy, PEP

source: gmanetwork.com

No comments:

Post a Comment