Gustong linawin ni Derrick Monasterio na hindi pa naman mauuwi sa ligawan ang loveteam nila ng Luna Blanca co-star niyang Barbie Forteza.
Bukod daw kasi sa batang-bata pa ang tween actress sa edad nitong 15 ay mabuting magkaibigan lang daw sila ngayon.
Kaya hindi raw ibig sabihin na porke’t binigyan niya ng bulaklak si Barbie noong birthday nito last July 31 ay nililigawan na niya ang ka-loveteam.
Lalo pa nga’t inamin ni Barbie na iyon ang kauna-unahang bulaklak na nakuha niya mula sa isang lalaki.
Paliwanag ni Derrick, “Kasi birthday naman ni Barbie noon, so parang birthday gift lang.
“Wala namang malisya yun. Hindi naman ibig sabihin na nanliligaw na ako sa kanya."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Derrick sa joint birthday party at outreach program nila nina Barbie at Kim Komatsu, na inorganisa ng GMA Artist Center sa Manila Boys Town Complex sa Parang, Marikina, noong Agosto 21.
Kung si Barbie ay niregaluhan ni Derrick ng bulaklak at jacket, isang wristwatch naman daw ang ibinigay ng teen actress kay Derrick para sa kaarawan nito noong Agosto 1.
Suot pa nga ni Derrick ang naturang relo sa event nila.
Sabi niya, “Pag suot ko po ito, hindi po ako nale-late. Kaya kita niyo, ako ang pinakauna ditong dumating kanina."
Ikinatuwa ni Derrick na nakasama niya si Barbie sa naturang event, pati na rin si Kim na dating ka-loveteam niya sa GMA-7 afternoon teleserye na Sinner or Saint.
“Siyempre, hindi po makukumpleto ang birthday party ko kung wala si Barbie at si Kim. Kaya parang I’m just one-third of this [event]."
LUNA BLANCA BOOK 2 EXTENDED. Masayang-masaya naman sina Derrick at Barbie na na-extend ang Book 2 ng Luna Blanca.
Kasama nila rito sina Bea Binene at Kristoffer Martin.
Sabi ni Barbie, “Masaya. Noong una nagulat ako kasi nag-announce na sila na 'Last taping na natin next week, ganyan-ganyan.'
“Tapos kanina, kanina lang sila nag-text na extended pa raw.
“So, natuwa ako kasi syempre mas mahaba ko pang makakasama sila."
Ayon naman kay Derrick, “Siyempre po masaya kami kasi yung pinaghirapan po namin, talagang nagbunga at saka tinangkilik talaga ng tao."
Ano naman ang masasabi nila na marami ang nakakapansin na maganda ang chemistry nila sa Luna Blanca?
Sagot ni Derrick, “Kasi kami ni Barbie, natural lang lahat, e, walang halong kaplastikan. Kaya siguro doon po nakukuha yung magandang samahan kasi natural lahat."
Dagdag naman ni Barbie, “Katulad po ng sabi niya, kasi iba talaga pag natural yung closeness.
“Talagang kahit on-cam, kahit sa eksena talaga, may mga bagay kaming nagagawa na hindi naman scripted at mas nakakatulong sa eksena."
ADMIRING BARBIE. Natanong naman ng PEP si Derrick kung totoo bang si Barbie ang pinaka-okay na naging ka-loveteam niya.
Sagot ng young actor, “Lahat naman po ng nakasama ko ay okay.
“Pero si Barbie po kasi, kaibigan ko na iyan since Tween Hearts, so two years na.
"Yung nabuo po naming samahan, as a group kami ha, talagang super-bonded.
“Tapos nagkasama pa kami sa Luna Blanca, na talagang mas nagkakilala po kami.
“Hindi ko po maide-deny na masarap siyang ka-loveteam."
Ano naman ang reaksiyon niya sa sinabi ni Barbie sa interview rito ng PEP noon na ang first impression daw sa kanya ng ka-loveteam ay “pilyo" at hindi nito inakala na may itinatago pala ito na pagiging gentleman at sweet?
“Siguro po, noon po na I was 15 years old po, nandun pa yung playful na Derrick, e.
“Pero siguro ngayon po, masasabi ko na natututo na rin ako at unti-unti nang nagma-mature."
Ano ba ang ina-admire niya kay Barbie?
“Hindi siya awkward na tao. Tipong puwede mo siyang sabihan ng kalokohan mo.
“Kung seryoso naman, seryoso rin siya. Nakaka-adjust siya sa kaharap niya o kasama niya."
YOUTH AMBASSADOR. Bukod sa mga programa niya sa GMA-7 na Luna Blanca at Party Pilipinas, magiging abala rin si Derrick sa pagiging youth advocate ng National Youth Commission.
Aniya, “Malaking bagay po yun kasi ang dami po naming teenagers sa GMA, sa ABS-CBN, sa TV5...
“Talagang the fact na mapili ka out of hundreds, talagang malaking privilege."
Mas may pressure ba ngayon sa kanya dahil kailangan niyang bantayan ang bawat bagay na kanyang gagawin?
“Yung pressure, nandun po yun, kasi lalung-lalo na ang sinusundan ko po, sina Kuya Dingdong [Dantes] at Ate Jolina [Magdangal].
“Talagang super-nagawa nila nang maayos yung role nila bilang youth ambassadors.
“Ako siguro, kailangan ko pang mag-level up.
“Ilalagay ko na rin sa mindset ko na kailangan bawat aksyon ko ay tama at kailangan puwedeng tularan ng kabataan.
“May konting pressure pero mas nakakaramdam po ako ng excitement sa puwede kong maitulong at magawa para sa mga kabataan."
May naka-lineup na bang projects na gagawin niya bilang youth ambassador?
“Sa ngayon, ang una pong project na gagawin namin ay yung anti-drugs campaign para sa mga kabataan.
“Hihikayatin ko po sila na huwag gumamit ng bawal na gamot dahil mali yun at makakasira ng buhay nila."
source: gmanetwork.com
No comments:
Post a Comment