Anytime soon ay magsisimula nang mag-taping sina Kris Bernal at Aljur Abrenica para sa Pinoy remake ng hit Korean romantic-comedy series na Coffee Prince.
Pina-plug na sa GMA-7 ang tungkol dito kaya marami na rin ang nae-excite kung kailan ito mapapanood.
“Excited din ako," nakangiting sabi ni Kris nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa backstage ng Party Pilipinas noong Linggo, August 12.
“Pero napi-pressure ako sa role ko kasi bagong-bago. Ibang-iba para sa akin."
Sa Coffee Prince ay gagampanan ni Kris ang isang babae na magkukunwaring lalaki para makapasok ng trabaho sa isang coffee shop.
Patuloy niya, “At dahil nga po nakikita ako lagi dati sa drama, kailangan ko talagang mag-workshop dito.
“Dahil siguro mas magpapatawa ako sa mga tao kesa iiyak ako.
“Kaya kinakabahan ako, baka sabihin nila ang corny ko!"
Habang hinihintay ang pagsisimula ng kanilang taping, todo-paghahanda na raw ang ginagawa niya ngayon.
Kuwento ni Kris, “Kami ng GMA Artist Center, pati ng network, bale may schedule na kami for viewing ng buong series.
“Siyempre kailangan naming mapanood."
Ipinalabas ang original version ng Coffee Prince, dubbed in Tagalog, sa GMA-7 noong 2008.
“Tapos this week din, gagawin na yung hair ko. So, iniisip pa kung gugupitan ako.
“Iyon din ang magandang ano, e, pasabog do’n. Kasi gugupitan nila ako."
KRIS AS A MAN. Kakaiba at malaking challenge talaga para kay Kris na magmukha, umasta, at magsalita na parang isang tunay na barako.
May mga workshops na rin daw silang gagawin ni Aljur, na gaganap bilang may-ari ng coffee shop at magkakagusto sa babaeng ginagampanan ni Kris.
Ayon pa kay Kris, “Ready na talaga ako na pagmukhain na lalaki kahit gupitan pa at paikliin yung buhok ko.
“Naisip ko nga, parang gusto ko talaga yung totoo. Para maramdaman ko talaga yung character ko.
“Mas mature na ang mga roles namin ni Aljur sa gagawin naming bagong series—at mas nakakakilig.
“Kasi do’n sa ginawa namin dati, mga puro drama. Puro iyakan. Puro mabibigat yung mga eksena namin.
“Ngayon, mas mature, pero cute! Yung gano’n.
“Yung mas magpu-focus kami sa pakilig, kasi romantic-comedy ang story."
REUNION PROJECT. Sa muling pagtatambal nina Aljur at Kris ay tiyak na mabubuhay na naman ang 'AlKris' fans. Siguradong excited na rin ang lahat ng kanilang tagasubaybay sa team-up nilang dalawa.
“Yes, at exciting talaga!" bulalas ni Kris.
Si Aljur, na-miss daw nang sobra ang pakikipagtambal kay Kris.
Si Kris ba ay na-miss din nang husto ang pakikipagtrabaho sa aktor?
“Oo naman po, na-miss ko talaga si Aljur," sabay ngiti ni Kris.
“At saka kapag nagkikita kami ngayon, talagang pinag-uusapan namin. Pati yung sabay na panonood namin ng series.
“Sabi ko, excited na ako. Tapos pinag-uusapan namin.
“Tapos tinatanong ko, ‘Tingin mo ba kaya ko bang gampanan yung role?’
“Ang sarap lang ng feeling kasi malaki ang tiwala namin sa isa’t isa. At malaki rin ang tiwala namin do’n sa show."
Sinasabi rin ni Aljur, maninibago siya sa muling pagtatambal nila ni Kris. Feeling ng young actor, kailangan nilang dalawa ng bonding time bago sila magsimula ng taping.
Ano ang masasabi ni Kris dito?
“Sa totoo lang, maninibago talaga kami.
"Pero ngayon nga, mas nakakasama ko siya dahil may mga workshops kami.
“May mga meeting tungkol sa treatment sa story at sa mga characters at magiging looks namin.
“Sinusubukan naming bumalik yung closeness namin.
“Pero wala naman actually na nagbago, e. Sa totoo lang, sweet pa rin kami sa isa’t isa.
“Siyempre, may konting ilang dahil ang dami na naming pinagdaanan nung magkahiwalay na kami.
“Kapag si Aljur naman, walang trabaho ‘yan, at saka kapag wala rin akong schedule, madalas nagti-text ‘yan, ‘Asan ka, anong ginagawa mo?’
“Kaya lang minsan, nagkakasalisihan kasi.
“Pero ngayon, napi-feel namin, kailangan namin ng oras para sa isa’t isa dahil magsasama ulit kami sa bagong show."
FREEZE COURTING? Sa pagbabalik-tambalan nila ni Aljur, freeze muna rin ba ang mga manliligaw ni Kris para protektahan ang kilig ng fans sa loveteam nila?
“Sabe?!" tawa ni Kris.
“Hindi naman freeze… malaya naman kami ni Aljur, e.
“Feeling ko, mature na yung viewers ngayon. Lalo na yung mga supporters namin na… tanggap talaga nila kung sino yung nagugustuhan namin. Ganyan.
“So, hindi naman kailangang i-freeze.
“Pero dahil din sa amin ni Aljur, sa amin din, gusto rin naming mag-focus muna sa work.
“Pero nandiyan sila. Oo, like kay Aljur, may mga nali-link sa kanya. May mga ganyan.
“Kumbaga, hindi kami pinagbabawalan."
Nang magpahinga ang loveteam nina Kris at Aljur ay naugnay sila sa iba.
Si Kris ay naging boyfriend ang singer na si Jay Perillo, samantalang si Aljur naman ay balitang nakarelasyon ni Kylie Padilla.
Pero hindi rin maiaalis ang posibilidad na sa muli nilang pagsasama sa isang project, puwede ma-develop o magkagustuhan sila, di ba?
“Puwede," sabay ngiti ni Kris.
“Pero depende ‘yon kay Aljur. Depende sa lalake ‘yon.
“Ayoko naman pong manggaling sa akin. Sabi ko nga, nasa kanya ‘yon.
“Posible, pero trabaho talaga, e. Focus muna kami sa work talaga.
“Kailangang pagbutihan namin talaga dito sa bagong project na gagawin namin.
“As in, gagawin namin lahat para sa show.
“Malaking project kasi ito at saka ang laki ng expectations sa amin ng mga tao."
PRESSSURE, PRESSURE. Pag-amin din ni Kris, “Napi-pressure na nga ako.
"Kasi siyempre, ngayong pinag-uusapan na yung pagbabalik-tambalan namin, may mga nababasa akong comments.
“Hindi mo talaga maiiwasan na may mga negative na may mga hindi gustong gumanap kami sa Filipino version ng Coffee Prince.
“Kasi, hit naman talaga yung series na ang dami talagang nakapanood.
“Kaya sinasabi ng iba, hindi raw bagay sa akin... ganyan-ganyan.
“Pero sa akin naman, hindi, paghuhusayan ko. Pag-aaralan kong mabuti yung character ni Andi.
“After ng The Last Prince, second primetime series namin ito ni Aljur.
“And mas may pressure kapag primetime. Kasi mas mahigpit ang labanan sa ratings, sabi nga.
“Oo, mas nakaka-pressure talaga. Grabe!" bahagyang natawang sabi niya.
Paano niya hina-handle yung nararamdaman niya ngayon na pressure?
“Para sa akin kasi, gusto ko palaging nag-i-improve ako, e. Gusto ko laging may bago sa akin.
“Gusto ko, kapag may gagawin akong proyekto, laging may bagong aabangan sa akin.
“Kaya ayun, paghuhusayan ko talaga ang pagganap ko.
“At saka hindi biro yung mga workshops na pinagdadaanan namin.
“Talagang hindi lang siya drama. Nagte-take din kami ng comedy na… mahirap din pala!" natawa ulit na sabi ni Kris.
source: gmanetwork.com
Tuesday, August 14, 2012
Kris Bernal feels pressure of playing female lead in Coffee Prince
source: gmanetwork.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment