Mensahe ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III, Pangulo ng Pilipinas, Para sa Pasko 2012
Sa gitna ng ating mga pagdiriwang, lagi sana nating tandaan ang mga kuwentong bumubuo sa Kapaskuhan; ang pag-aalay ng Panginoon ng kaniyang bugtong na anak para tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Bahagi rin ng aral ng Kapaskuhan ang pagiging bukas-paladng isang estrangherong nagkusang pagbuksan ng pinto sina Jose’t Maria, at hinayaan silang magpalipas ng gabi sa munting sabsaban; na may tatlong haring nagsakripisyo’t hindi inalintana ang mahabang paglalakbay, maihatid lamang ang kanilang mga handog sa banal na sanggol. Ang okasyong ito, higit sa lahat, ay tanda ng wagas na pagmamahal ng Panginoon sa atin.
Pagkakataon ang Pasko para magpasalamat sa lahat ng biyayang ating natamasa. Sa ngalan ng buong pamahalaan, nagpapasalamat ako sa lahat ng Pilipinong nakiambag sa pagtatag ng kultura ng katapatan at malasakit sa kapwa. Dahil sa kakaibang pagsusumikap na ipinakita sa tuwid na daan, higit na nagiging makabuluhan ang Paskong Pilipino. Ang mga inisyatibang gaya ng Sitio Electrification Program, na ngayon ay nagbibigay-liwanag sa libu-libong pamilya, na dati’y nangangapa sa dilim: Kayo ang gumawa nito. Ang ating Conditional Cash transfer, na umaalalay sa ating mga kababayan tungo sa kinabukasang may saysay, malusog, at maunlad: Kayo rin ang gumawa nito. Ang pagtalikod natin sa negatibismo’t agam-agam, habang patuloy na lumalawak ang saklaw ng positibong pagtanaw, sa pamahalaan man o sa kalakhang lipunan: Kayo ang gumawa nito. Hindi pa rin nagbabago: Kayo ang lakas ng gobyerno. Malinaw po: Ang bawat butil ng tagumpay na ating inaani ay nagmula sa ipinunlang pagsusumikap ng sambayanan; Kayo po, ang aming mga Boss, ang gumawa nito.
Lahat nang ito’y sumasalamin sa tunay na diwa ng Kapaskuhan: pagbibigayan, pagpapakumbaba, at pagmamahal sa ating kapwa.
Muli’t muli nating pinatutunayan sa mundo: Bukod tangi ang Paskong Pilipino dahil sa kahandaan ng bawat isang maging tanglaw sa kaniyang kababayan, hindi lamang tuwing Kapaskuhan, kundi sa araw-araw na pagbagtas sa tuwid na daan.
Isang maligayang Pasko po sa inyong lahat.
source: interaksyon.com
No comments:
Post a Comment