Friday, February 15, 2013

3 miyembro ng pamilya minasaker sa Taguig


source: philstar.com

MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng isang pamilya kabilang ang isang 9-anyos na batang lalaki ang nasawi nang paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang kanilang bahay sa Taguig City kamakalawa ng gabi.
Patay agad sanhi ng mga tama ng bala ng iba’t ibang kalibre ng baril ang mga biktimang sina Naya Daud, 40; asawang si Bensar Daud, 34; at kanilang anak na si Bany, siyam na taon. Sugatan naman ang isa pa nilang anak na si Fatima Zahara, 2-taong gulang, na tinamaan ng bala sa daliri.

Sa tinanggap na ulat ni Taguig Police chief Senior Supt. Arthur Felix­ Asis, naganap ang krimen dakong alas-9:45 ng gabi sa loob ng bahay­ ng pamilya Daud sa may Block 15 Lot 25 San Juan St., Central Bicutan, ng naturang lungsod.

Sa salaysay ni Me­lany Daud, kapatid ni Bensar, nagulantang na lamang sila sa na­rinig na sunud-sunod na putok ng baril at nang puntahan ang bahay ng ka­patid ay nakitang du­guan ang buong pamilya.

Sa imbestigasyon naman ng pulisya, na­diskubre ang mga paraphernalia sa paggamit ng iligal na droga sa loob ng bahay kaya malaki ang hinala na iligal na droga ang po­sibleng motibo sa krimen.

Tumanggi naman ang pamilya ng mga biktima na magsagawa ng pagsusuri sa lugar ng krimen ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at maging ang pag-awtopsiya sa bangkay ng kanilang mga kaanak na labag umano sa tradis­yon ng mga Muslim.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

source: philstar.com

No comments:

Post a Comment