Saturday, February 02, 2013

'Lucky No. 7' sa special election na ginawa sa buwan ng Pebrero

source: gmanetwork.com

Alam n'yo ba kung para saan ang inaprubahang espesyal na batas ng mga mambabatas noong Disyembre 1985 na nagtatakda ng isang espesyal na halalan na ginanap sa sumunod na taon sa buwan ng Pebrero?
Isang araw makaraang iabsuweldo ng Sandiganbayan noong Disyembre 2, 1985 ang noo'y Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff na si Gen. Fabian Ver at iba pang sundalo na inakusahang sangkot sa pagpatay kay dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., inaprubahan ng Batasang Pambansa ang Cabinet Bill No. 7 na nagtatakda ng snap o special election para sa posisyon ng pangulo at bise presidente nagaganapin sa Pebrero 7, 1986.

Nang araw din na aprubahan ng Batasan ang Cabinet Bill No.7, agad din itong pinirmahan ng noo'y pangulo ng bansa na si Ferdinand Marcos Sr. upang ganap na itong maging batas.

Sinabing sinadya ang "No.7" sa inaprubahang panukalang batas at petsa ng snap election dahil ito umano ang paborito at itinuturing "swerteng" numero ni Marcos, na isinilang sa taon na mayroon ding "7" --  Setyembre 11, 1917.

Sa snap election, nakalaban ni Marcos sa posisyon bilang presidente si dating Pangulong Cory Aquino, ang biyuda ni Ninoy. Si Ninoy ay binaril at pinaslang noong Agosto 21, 1983 habang bumababa sa tarmac ng dating Manila International Airport, na kilala na ngayon bilang NAIA.

Sa opisyal na bilang ng Commission on Elections (Comelec), lumitaw na nanalo si Marcos at ang kanyang vice presidential candidate na si dating Senador Arturo Tolentino. Taliwas naman ito sa resulta ng unofficial count ng election watchdog na NAMFREL kung saan sina Cory at kanyang running-mate na si dating Sen. Salvador Laurel ang lumitaw na nanalo.

Ilang araw matapos ang snap election, bumitiw ng suporta sa administrasyong Marcos ang noo'y Defense Minister at ngayon Senate President Juan Ponce Enrile, kasama ang noo'y PC-INP chief at dati ring pangulo na si Fidel Ramos.

Kasunod na nito ang mapayapang pag-aaklas ng mga tao na tinawag na Edsa People Power revolution na nagpatalsik kay Marcos sa Malacanang at tuluyang nagluklok kay Cory sa pinakamataas na puwesto ng bansa noong Pebrero 25, 1986

source: gmanetwork.com

No comments:

Post a Comment