Wednesday, March 16, 2011

Ogie Alcasid proud of celeb ukay-ukay project aimed at building classrooms


Maituturing dream come true para sa mag-asawang Regine Velasquez at Ogie Alcasid ang Celebrity Ukay-Ukay Project kung saan ang kikitain ay mapupunta sa pagpapagawa ng mga silid-aralan ng GMA Kapuso Foundation.

Sa panayam ng ilang showbiz press sa GMA Network building nitong Miyerkules, sinabi ni Ogie na matagal na nilang balak ni Regine na makagawa ng proyekto, katuwang ang Kapuso foundation, na pinamamahalaan ni GMA News anchor Mel Tiangco.

“Lagi kaming nagbabalak (ni Regine) ng project pero hindi natutuloy, so eto na meron na," ayon kay Ogie.

Hangad nina Regine at Ogie na makalikom ng P1 hanggang P3 milyon sa kanilang Celebrity Ukay-Ukay project, na gaganapin sa Heat Wave Summer sa World Trade Center sa Pasay City sa April 15-17.

Sa naturang ukay-ukay ay makakabili at magkakaroon ng subasta sa mga gamit at kasuotan ng mga celebrity. Kabilang na dito ang mga paboritong damit ng mga artista, accessories, at maging mga laruan.

No boundaries

Umaasa si Ogie na makukuha rin nila ang suporta ng ilang celebrities sa ibang networks dahil ang layunin naman nito ay para makatulong sa edukasyon ng mga kabataan at hindi para makipagkompetisyon.

Sinabi ni Ogie na may mga nakausap na siyang celebrities mula sa ibang networks at mga talent manager na may mga artista sa iba’t ibang istasyon.

“Network affiliation is not a problem naman, hindi naman ito kompetisyon," pahayag ng singer, writer, composer at actor.

Kabilang sa mga artista na nasa ibang network na nakausap umano ni Ogie at nagpahayag na tutulong at magkakaloob ng kanilang gamit na maibebenta o isusubasta sa ukay-ukay project ay si Gary “Mr Pure Energy" Valenciano.

Nakatakda naman kausapin ng mag-asawa sa March 26 ang iba pang talent managers na may alaga rin sa ibang network, katulad ni Annabelle Rama.

Sofa to go

Nang tanungin kung ano ang ipamimigay nilang mag-asawa, sinabi ni Ogie na nabanggit ni Regine na idodonate nila ang kanilang sofa.

“Parang nabanggit yata ni Regine yung sofa isasama, saan ko na kaya papaupuin yung mga bisita ko?" nangingiting pahayag ni Ogie.

Ipasusubasta rin umano ni Regine ang gown na isinuot nito sa ilang show at ang suit naman ang ibibigay ni Ogie.

“’Wag lang mga pants ko, maiigsi, walang bibili nun," pagbibiro niya.

Pinag-iisipan umano ni Ogie na idonate ang isa niyang keyboard at ilan sa kanyang mga kinolektang laruan. Kabilang sa mga koleksiyon ng laruan ni Ogie ay Voltez V at Star Wars.

“I’m really thinking of donating yung isang keyboard ko, kaya lang sana magkaroon ng magandang price kasi maraming kanta ako na nagawa doon," ayon kay Ogie.

Iniinganyo rin umano ni Ogie ang kanyang kaibigan na si Michael V na magdonate ng mga koleksiyon nitong laruan.

Tall order but possible

Batid ni Ogie na malaking halaga ang kakailanganin para maipatupad ang layunin ng GMA Kapuso Foundation na makapagtayo ng 50 silid-aralan bawat taon, na may kabuang pondo na P35 milyon.

Sa pamamagitan ng proyekto ng mag-asawang Alcasid, inaasahan na makakalikha rin ito ng awareness sa iba pang organisasyon at mga indibidwal, at mahikayat na tumulong sa layunin ng foundation na makatulong sa pag-aaral ng mga bata.

Sinabi ni Ogie na napakahalaga sa mga kabataan ang edukasyon pero marami ang hindi nakapag-aaral dahil sa kakulangan ng silid-aralan.

Aniya, kung nagawa ng karaniwang mamamayan na si Efren Penaflorida ang makatulong sa pagpapalaganap ng edukasyon sa mga kabataan sa pamamagitan ng kariton, naniniwala si Ogie na magagawa rin ng mga katulad niyang nasa industriya ng entertainment.

source: gmanews

No comments:

Post a Comment