Wednesday, December 28, 2011

Pauleen Luna on rumored relationship with Vic Sotto

source: gmanetwork.com


Nagsalita na ang young actress at television host na si Pauleen Luna tungkol sa napabalitang romantikong relasyon nila ng kanyang kapwa Eat Bulaga host na si Vic Sotto.

Sa taped interview na ipinalabas sa Startalk TX nitong Sabado, sinabing naganap ang panayam kay Pauleen kamakailan sa birthday show ni Alan K na isa ring host ng Eat Bulaga.

Nandoon din si Ruby Rodriguez na nagpahayag na hindi siya nakikialam sa lovelife ni Pauleen basta masaya ang dalaga.

“Kung ano man o sino man ‘yon, masaya ako for her," deklara ni Ruby.

Ganito rin ang posisyon ni Alan nang tanungin, sabay tanong sa katabing si Pauleen kung sa tingin nito ay masaya rin si Vic.

“I think so…" natatawang sagot ni Pauleen sabay dagdag na lahat sila ay masaya.

Pero pakiusap ni Pauleen, hayaan muna siyang sarilinin kung ano man ang nagaganap sa kanyang buhay.

“For me lang, whatever it is kung mayroon (o) wala, I wanna keep things private... I wanna keep things private first," pahayag ng magandang aktres.

Bagay na sinundan naman ni Alan ng biro na: “First? So alam mo na meron second, third, by then hindi na ‘yan private."

Dagdag pa ni Pauleen, hindi siya apektado ng mga komento tungkol sa isyu dahil alam nila kung ano ang totoo.

“Alam naman kung ano ang nangyayari and the comments doesn’t really matter as long as… as a person I know the truth, you know the truth. Kung ano man ang pinagdadaanan dapat hindi ka naapektuhan ng ibang comments."

Kasabay nito, itinanggi ni Pauleen na nakakatanggap siya ng mga mamahaling regalo kay Vic na sinasabing isa sa mga dahilan kaya napalambot ang komedyante ang puso niya.

Sinabi pa ng young actress na masaya siya at maganda ang pagtingin niya sa 2012 dahil sa maraming magagandang inaasahan katulad ng ipinapagawang bahay ng kanyang pamilya.

Nang tanungin kung may regalo siyang natanggap ngayong Pasko kay Vic, sagot ni Pauleen, “wala."

source: gmanetwork.com

No comments:

Post a Comment