Friday, April 13, 2012

Gusot ng mag-asawang Jose Manalo at Analyn, bigong maayos; demandahan, tuloy

source: gmanetwork.com

Pagkaraan ng apat na buwan, muling nagkaharap ang mag-asawang Jose Manalo at Analyn sa San Juan Fiscals’ Office nitong Miyerkules.

Gayunman, tuloy ang kanilang demandahan matapos mabigo ang inaasahang amicable settlement.

Sa ulat ni showbiz reporter Cata Tibayan, sinabing may ilang minutong nag-usap ang mag-asawa sa opisina ng piskal. Pagkaraan ng ilang minuto, seryosong lumabas ang Eat Bulaga host na si Jose, at sinundan naman ni Analyn na umiiyak.

Nabigo kasi ang magkabilang kampo na ayusin ang sigalot. Sa halip ay nagsumite ng kanyang counter affidavit ang komedyante kaugnay sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act na isinampa sa kanya ni Analyn.

“Nandoon na so, hindi… ayaw paayos. Hindi iniintindi kung ano… parang lahat ng kitain ko nandun. Kailangan ko ring mabuhay," pahayag ni Jose sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules.

Ayon naman kay Atty Lowell Fetizanan, abogado ni Analyn, walang nakitang pagsisisi ang kanyang kliyente mula kay Jose.

Itinanggi rin nito ang alegasyon ng kampo ni Jose na inilalayo ni Analyn ang kanilang mga anak.

Katunayan ay si Jose umano ang hindi nakikipag-ugnayan sa mga bata.

Samantala, itinanggi naman ni Jose na mayroon siyang ibang babae na kinakasama.

Umaasa siya na mauunawaan ng kanilang anak ang mga nangyayari.

Muling maghaharap ang mag-asawa bago matapos ang buwan kapag sinagot na ni Analyn ang counter affidavit na inihain ni Jose.
source: gmanetwork.com

No comments:

Post a Comment