Tuesday, July 17, 2012

Dolphy, nangalabit daw nang magparamdam kay Zsa Zsa

source: gmanetwork.com


Sa unang pagkakataon mula nang pumanaw ang Comedy King na si Dolphy noong Martes, sinabi ni Zsa Zsa Padilla na nagparamdam sa kanya ang komedyante nitong Sabado ng umaga sa kanyang paggising.

Sa panayam sa kanya ng Startalk TX nitong Sabado sa The Heritage Park kung saan ililibing si Dolphy sa Linggo, magkahalong saya at lungkot ang mga ibinahagi ni Zsa Zsa tungkol sa mga alaalang iniwan ng kanyang pumanaw na kapartner sa buhay.

Tulad ng ibang ginang na nauli ng kanilang kabiyak sa buhay, inamin ng singer-actress na may pangamba rin siya kung papaano itataguyod ang kanyang pamilya ngayong wala na si Dolphy na nakasama niya sa loob ng 23 taon.

Ayon kay Zsa Zsa, hindi niya magawang sabihin kay Dolphy nang nabubuhay pa ito ang tanong na papaano na sila ng kanilang anak kapag nawala na ang aktor.

Bukod dito, may mga tao rin umanong lumalapit at humihingi ng tulong kay Dolphy at nangangamba siya na baka hindi niya ito maipagpatuloy.

Kaya naman ipinagdarasal daw niya na tulungan pa rin siya ni Dolphy kahit wala na ito na maitaguyod ang kanilang pamilya.

May naiwang dalawang anak na babae si Dolphy kay Zsa Zsa.

Dolphy, hindi na nakakalakad

Sa naturang panayam, inamin din ni Zsa Zsa na hindi na nila ipinaalam sa publiko na hindi nakalalakad si Dolphy mula nang maospital ito ng halos dalawang buwan noong 2011.

Tanggap naman umano ni Dolphy ang kanyang kalagayan pero hinihiling nito na hayaan pa rin siyang makapamasyal at makapunta sa kanyang mga kaibigan kahit naka-wheel chair na.

Pero dahil madali na siyang dapuan ng sakit, sinabi ni Zsa Zsa na hanggang sa ospital at sa likod na lamang ng kanilang bahay nakakaikot ang Comedy King.

Nangalabit nang magparamdam

Sinariwa rin ni Zsa Zsa ang kulitan nila Dolphy nang panahon na mayroon na itong sakit at nakaratay na sa hospital bed.

Aniya, madalas ang bulungan nila ng “lovey."

Kahit hindi na nakapagsasalita habang nakaratay sa Makati Medical Center, nakapagbulong pa umano si Dolphy ng “I love you" kay Zsa Zsa.

Sa gabi kapag tahimik na ang paligid, sinabi niya na naririnig niya ang bulong ni Dolphy.

Pero mula nang pumanaw noong Martes, sinabi ni Zsa Zsa na first time na nagparamdam sa kanya ang komedyante.

“Kanina pagbangon ko for the first time naramdaman ko siya…katabi ko," kuwento ni Zsa Zsa kay Ricky Lo, isa sa mga host ng Startalk.

“Tsaka nangangalabit ha, me ganun," natatawa niyang pahabol.

Gastos sa ospital, may sumagot

Sa isang bahagi ng panayam, binati ng isa pang host ng programa na si Lolit Solis ang negosyanteng si Manny Pangilinan na nagdiwang ng kaarawan nitong Sabado.

Dito ay sinamantala ni Zsa Zsa ang pagkakataon na ipaalam na binayaran ni Pangilinan ang gastos ni Dolphy sa MMC.

“Gusto kong i-reveal na ito, binayaran niya lahat ng hospital bill namin sa Makati Med, ganun lang lahat, ang bait niya," ayon kay Zsa Zsa.

Pinasalamatan din ng actress-singer si Pangulong Noynoy Aquino III sa pagdalaw nito sa burol ni Dolphy, at sa ipinagkaloob na parangal sa Malacanang noong 2010.

Sinabi ni Zsa Zsa na humuhugot siya ng lakas mula sa bumubuhos na pagmamahal na ipinakikita ng mga tao sa namayapang Comedy King.

source: gmanetwork.com

No comments:

Post a Comment